Mga Benepisyong Makukuha sa Pagkain at Paginom ng Tanglad


Ang tanglad ay isang mabangong damo na karaniwang ginagamit na na pantangal sa lansa ng mga pagkain. Kilala rin ito bilang sangkap sa paggawa ng tsaa. Ang mga dahon nito’y pahaba at napalilibutan ng maliliit na tusok-tusok. Orihinal na nagmula ang halaman sa bansang Sri Lanka, India at isla ng Java, ngunit ito’y karaniwan na ding pananim sa mga taniman sa Pilipinas.
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang tanglad ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Taglay ng sariwang dahon ng tanglad ang ilang uri ng langis gaya ng lemon-grass oil, verbena oil, at Indian Molissa oil. Mayroon din itong methyl heptenone at terpenes.
  • Ang dahon at ugat ay makukuhanan din ng alkaloids, saponin, a-sitosterol, terpenes, alcohol, ketone, flavonoids, chlorogenic acid, caffeic acid, p-coumaric acid at sugars.

Mga karamdaman na maaring magamot ng tanglad:

1. Pagtatae
Dapat painumin ng pinaglagaan ng dahon ng tanglad na hinaluan pa ng dinikdik na luya at isang kutsarang asukal. Makatutulong ito sa paghupa ng matubig na pagdudumi.
2. Pananakit ng ngipin
Pinaiinom naman ang pinaglagaan ng ugat ng tanglad sa taong nakararanas ng pananakit sa ngipin.
3. Hirap sa pag-ihi
Matutulungan din ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng tanglad ang mas madaling pag-ihi.
4. Pananakit ng sikmura
Ang tsaa mula sa dahon ng tanglad ay mabisa rin para maibsan ang pananakit sa sikmura.
5. Pananakit sa likod
Ang langis naman na nakukuha mula sa dahon ng tanglad ay maaaring ihalo sa langis ng niyog bago ipampahid sa nananakit na likod.
6. Rayuma
Ang pananakit sa ilang bahagi ng katawan dahil sa sakit na rayuma ay malulunasan din ng pagpapahid ng langis mula as dahon ng tanglad.
7. Altapresyon
Upang mapababa naman ang mataas na presyon ng dugo, maaaring painumin ng tsaa mula sa dahon ng tanglad.
8. Pananakit ng ulo
Ang pagtatapal ng dahon ng tanglad sa noo ay makatutulong na mabawasan ang pananakit na nararanasan sa ulo.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang artikulo na ito ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.

+ There are no comments

Add yours