Barangay Nagbibigay Sa Mga Residente Ng 1 Kilong Bigas Kada 1 Kilong Recycled Plastic Na Basura



Isa sa mga dahilan kung bakit dumarami ang basura sa ating kapaligiran ay dahil ang mga tao ay hindi marunong mag-recycle ng basura. Kung iisipin, paano nga ba natin masosolusyonan ang problema natin sa basura kung patuloy lamang ang produksyon ng mga waste materials at hindi lahat ng tao ay nakikipag-cooperate?
Kung tutuosin, ang mga plastic waste products ang nangunguna sa top pollutants sa ating paligid na siyang pinagmumulan ng pagbara ng mga kanal, pagpuno sa mga landfills, at nakakasira sa ating ecosystem.
Ibahin natin ang isang barangay na ito na nakahanap ng isang napakahusay na ideya upang ma-motivate ang kanilang mga residente na bawasan ang pagdami ng basura at magrecycle ng mga plastic waste products. 
Hinangaan ng mga netizens ang Barangay Tartaria sa Silang, Cavite dahil sa kakaiba nilang paraan upang masolusyonan ang pagdami ng basura habang ineengganyo ang kanilang mga residente na tumulong. Dahil sa bawat isang kilong recycled na plastic na basura ay may kapalit itong isang kilong bigas. 
Ang mga basurang plastic na kanilang nakokolekta ay maayos nila itong ipinapasok sa isang malaking bote ng mineral water. At kapag napuno na ang bote ay dadalhin nila ito sa barangay hall para ipa-receive at idokumento ang mga nasabing items bago sila bigyan ng kapalit na isang kilong bigas. 

Para tiyak na mabawasan na rin ang paggamit ng mga plastic, ang mga residenteng mag-aavail sa libreng bigas ay kinakailangang magdala ng kanilang sariling lalagyan o ecobags. 
Sinimulan ang proyekto noong October 2018 at simula noon ay nakapag-release na sila ng higit sa 60 kg na bigas katumbas ng mga nirecycle na plastic. 
Ayon sa Barangay Secretary na si Karlo Alvarez, “Ang purpose po nito ay para hindi nagkalat ang basura lalo na po ang plastic. Alam naman po na ito ay bumabara sa daanan ng tubig.”

Hindi pa na-finalize ng barangay kung saan dadalhin ang mga nasurender na recycled waste products, ngunit may iilang tao na nagpresintang bumili ng mga ito para gawing eco-bricks. 
Kung gagawin rin ito sa ibang barangay dito sa Pilipinas, tiyak na maeengganyong magrecycle ang mga tao at mababawasan na rin ang problema sa basura ng ating bansa.

+ There are no comments

Add yours