Street Children Na Nagbebenta Ng Kanilang Artwork Sa Halagang Php1- Php5, Pinahanga Ang Mga Netizens
Dahil sa kahirapan, makakakita ka ng mga batang kalye sa bawat sulok ng Pilipinas na nanghihingi ng limos sa lansangan. Sa murang edad pa lamang ay nararanasan na nila ang pait ng buhay at minsan ay kailangan na nilang maghanap buhay o mamalimos para lamang may ipangkain.
Minsan, ang iba pa nga ay natututong gumawa ng masama at napapariwara sa masamang bisyo. Ngunit ibahin ninyo ang mga batang kalye na ito, na may sariling abilidad at hindi lamang basta umasa sa panlilimos.
Ibinahagi ng isang netizen ang mga bata na taga Calbayog, Samar dahil sa kanilang pinagkakaabalahan sa daan. Makikita na ang mga bata ay nasa isang sidewalk hindi upang manlimos, kundi magbenta ng kanilang mga drawings na tinawag nilang artwork.
Ibinebenta ng mga bata sa mga dumaraan na tao ang kanilang mga ginawang drawings na iginuhit nila sa isang kapirasong cardboard at kinulayan ang mga ito. Ang bawat ‘artwork’ nila ay nagkakahalaga sa Php1 hanggang Php5.
Makikita na idinesplay ng mga bata ang kanilang ginawang art sa isang sulok ng daan habang hinihintay na may lumapit at bumili sa mga ito. Mapapansin din ang pagiging creative at determinasyon ng mga bata dahil ang iba ay nagbebenta habang ang iba naman ay mismong doon na rin sa sidewalk gumuguhit at nagkukulay.
Maraming netizens ang humanga sa pagiging malikhain ng mga ito dahil naghanap sila ng paraan upang kumita ng pera sa marangal na paraan at hindi lamang galing sa panlilimos. Ngunit dahil ang mga bata ay nasa malayong lugar, humingi ng tulong ang ibang mga netizens na tangkilikin ng mga taga doon ang mga gawa ng mga bata.
Napakalungkot isipin na imbes na sana ay na-eenjoy ng mga batang ito ang kanilang kabataan na walang iniisip na problema, ay maaga silang namulat sa kahirapan at sila na rin mismo ang gumagawa ng kanilang sariling paraan upang mabuhay. Ngunit kung imumulat lamang natin ang ating mga mata at bubuksan ang ating mga puso ay matutulungan natin ang mga batang ito na mabigyan sila ng magandang kinabukasan.
+ There are no comments
Add yours