Isang Ina Na Tindera Muling Nagbalik Sa Pag-aaral At Nakapagtapos Bilang Cum Laude



Walang imposible sa taong masipag at determinadong abutin ang kanyang mga pangarap. At hindi dahil lumipas na ang panahon at ikaw ay nagkaedad na ay hindi ito basehan upang ikaw ay hindi muling magbalik sa pag-aaral at abutin ang iyong mga pangarap. 
Isang Facebook user na kinilala bilang si Ivy B. Santos ang nagbahagi ng kanyang naging karanasan sa pagiging ina sa tatlong anak, tindera at serbidora, at muling nagbalik sa pag-aaral upang makamit ang kanyang pangarap na maging isang guro.
Ibinahagi ni Ivy na hindi naging madali ang kanyang naging karanasan lalo na’t noong bumalik siya sa pag-aaral ay marami ang humusga sa kanya. 
“Ang hirap balikan kung pano ako nagsimula. Nabiktima ako nang mga taong mapanghusga sa paligid. Kesyo nag-aral lang daw ako para mag buhay dalaga, nag-aral lang para magpaganda. Kung kelan matanda na daw ako saka pa ako nag-aral. Bakit daw nag-anak muna ako bago ko to naisipan etc.”

Bata pa lamang siya ay pangarap na niyang maging isang teacher. Ngunit siya ay nasasaktan tuwing dini-discourage siya ng ibang tao na huwag na daw niyang ambisyunin ang pagiging guro dahil walang pera sa propesyong iyon.
Si Ivy ay nagmula sa isang mahirap na pamilya at hanggang high school lamang ang kanyang natapos dahil nagtrabaho na agad ito upang makatulong. Naranasan niya kung paano maging isang serbidora sa carinderia, tagalinis, waitress, at dishwasher. Habang ang kanyang mga kaklase ay nag-aaral na sa kolehiyo, napag-iwanan si Ivy dahil mas pinili niyang tumulong sa kanyang pamilya. 

Hanggang nagkaroon siya ng kanyang sariling pamilya at nagkaroon ng tatlong anak. Ang kanyang asawa ay walang permanenteng trabaho samantalang siya ay walang mapasukang maayos na trabaho. Nag-apply bilang isang fastfood crew at naranasang maliitin ng iba. Sinubukan ang online selling hanggang sa pagtitinda ng meryenda sa labas ng eskwela kung saan nag-aaral ang kanyang mga anak.
Dumating ang isang pagkakataon na nag-exam siya at nakakuha ng scholarship para sa kursong Education. Kahit na siya ay muling nakapagbalik sa pag-aaral, ay hindi ito naging madali para sa kanya dahil kailangan niyang mag-maintain ng mga grades upang hindi matanggal sa pagkaka-iskolar.
Bukod dito ay inaasikaso rin niya ang kanyang pamilya at mga anak bago sila pumasok sa eskwela. Matinding sakripisyo ang kanyang dinanas sa pagbabalanse ng oras sa pag-aalaga ng bata, paggawa ng mga gawaing bahay, at pag-aaral.
Ngunit sa awa ng Diyos naging matagumpay siya sa kanyang laban at dahil na rin sa kanyang determinasyon at kasipagan ay natapos niya ang kanyang kursong kinuha. At ang nakaka-inspire pa ay nakapagtapos siya bilang isang cum laude at ngayon ay natupad na rin niya ang kanyang pangarap na maging isang guro.

+ There are no comments

Add yours