Tinulungan Ng Mga Netizens Ang Isang Tatay Na Nagtitinda Ng Okra At Nakatira Lamang Sa Isang Tricycle Sa Bangketa
Marami sa mga Pilipino kahit na may edad na ay patuloy pa rin ang pagkayod para maitaguyod lamang ang kanilang pamilya. Kahit na hirap sa pagtitinda at minsan ay wala pang sariling pwesto ay pinipilit pa rin nilang makapagtinda sa bangketa para lamang may mapangkain araw-araw.
Isang masipag na 69 taong gulang na lalaki ang pumukaw sa atensyon ng mga netizens nang maipost siya sa social media na ibinahagi ng page na Bulacan Eats. Ayon sa kanilang post, nanawagan sila sa mga netizens na malapit doon sa area kung saan nagtitinda ang matanda na tangkilikin ang mga paninda nitong okra.
Malaking tulong daw kasi ito sa matanda na kinilala bilang si Octavio Padre Juan lalo na pa’t wala na silang bahay na tinitirahan.
Ang tricycle nila na nakaparada sa bangketa ang nagsisilbing tahanan rin nilang mag-asawa. Si Tatay na rin ang nag-aalaga sa kanyang asawang naka-wheel chair. Bida pa ng matanda na may dalawang palapag ang kanilang tricycle na kung saan ang kanyang asawa ang nasa baba at siya ang natutulog sa itaas.
Kahit na bente kwatro oras silang nagtitinda sa bangketa ay minsan ay palipat lipat rin sila ng pwesto dahil wala naman talaga silang permanenteng mapupwestuhan. Minsan ay makikita sila sa Mcdo o Jollibee Pulilan Crossing, kung minsan ay nasa may terminal area ng Robinsons lalo na’t kapag umuulan.
Panawagan ng page sa mga netizens na kung madadaanan ang matanda ay bumili sa kanyang mga panindang okra upang sila ay maagang makapagpahinga.
Noong maishare ang kanilang post sa social media ay bumuhos ang tulong ng mga netizens sa mag-asawa. Dinagsa nila ang mga ibinebentang okra ni Tatay. At sa mga sumunod na araw ay nakapagdagdag na iba pang gulay na tinitinda ang matanda tulad ng sibuyas, talong at kalabasa.
Marami ring nagpatunay na talagang masipag sa pagtitinda si Tatay Octavio at napakabait pa niya. Narito naman ang ilang mga komento ng mga netizens tungkol dito.
“Mabait silang mag asawa nakakatuwa. Ang sarap nilang tulungan kasi nagsisikap sila.”
“Nakakaiyak pag may mga gantong nagsisikap para mabuhay. Nakakainspire ka tatay.”
“Nakakahanga sila mag asawa. Kahit hirap sa buhay may marangal silang trabaho.”
+ There are no comments
Add yours