Eskwelahan, Namimigay Ng Gamit Pang Eskwela At Bigas Kapalit Ang Bawat Basurang Plastic Na Dala Ng Mga Estudyante
Taon-taon ay dumarami ang ating mga plastic na basura. Ito ang nagiging dahilan na kung bakit kahit sa konti pag-ulan lamang ay madaling magbaha dahil sa pagbabara ng ating mga kanal at estero.
Kaya naman ang paaralan ng Burgos Central Elementary School sa Barangay Poblacion, Burgos, Ilocos Norte ay nagsagawa ng isang programa na Basura Exchange School Tiangge o BESTiangge upang masolusyonan ang pagdami ng plastic na basura sa kanilang kapaligiran.
Ang programa nilang ito ay hinihikayat ang kanilang mga estudyante na magdala ng iba’t ibang uri ng plastic na basura at ang kapalit nito ay pagkain o di kaya ay gamit pang-eskwela.
Sa bawat dalang mga plastic ay may kaakibat itong puntos na kung saan gagamitin ito upang makapamili ng school supplies tulad ng lapis, ballpen, crayons at papel o di kaya ay pagkain tulad ng bigas.
Ayon sa kanilang barangay captain, nais nilang ipabatid sa mga bata ang importansya ng kalinisan. Lalo namang naeenganyong makisali ang mga estudyante dahil makakapili sila ng mga school supplies na maaari nilang gamitin sa eskwela.
Ang mga nalikom na plastic ay dudurugin at gigilingin sa isang manual na makina upang maging pinong pino saka gagamitin ang mga ito sa paggawa ng mga eco bricks.
Ang mga bricks na ito ay yari sa semento at buhangin na mayroong halo ng giniling na plastic. Tinatayang mas matibay itong alternatibo kumpara sa mga hollow blocks na gawa lamang sa purong semento.
Maganda ang programang ito dahil bukod sa nakakatulong at nakakalinis na ito sa ating kapaligiran ay makakatulong rin ang kapalit nito sa mga mag-aaral.
Sa katunayan mayroon nang isang daycare center na nagawa na gamit ang mga eco bricks na yari sa plastic. Na-aapreciate naman ng mga tao ang programang ito dahil nagiging kapaki-pakinabang ang kanilang mga plastic na basura.
Kung ipagpapatuloy lamang ang pagsulong sa gawaing ito, tiyak na mababawasan din sa pagdating ng panahon ang ating mga kalat na plastic na basura.
+ There are no comments
Add yours