Isang Estudyante, Tinitis na Hindi Kumakain sa School sa Kagustuhang Maipagamot ang Kaniyang mga Mata





Ang kaliwa’t kanang pagtaas ng mga bilihin at kakulangan sa mga trabahong maaring mapasukan ang ilan lamang sa mga dahilan ng karamihan sa ating mga kababayan kung bakit hanggang ngayon ay nasasadlak pa rin sila sa kahirapan. 

Ganoon pa man, hindi ito naging hadlang para sa mga magulang na patuloy na kumakayod upang masigurong makakapasok ang kanilang mga anak sa paaralan. Ito ay dahil na rin sa pag-asang kahit papaano ay makakaranas sila ng ginhawa sa buhay kapag nakapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Kasama na nga sa kanilang pangaraw-araw na budget ang perang pambaon ng mga bata upang masigurong hindi ito magutom. 

Ngunit kamakailan lang ay isang bata ang naging viral sa social media nang mapagalitan ito ng kaniyang ina dahil hindi siya kumakain sa paaralan. 



Ayon sa Facebook post ng inang si Crisalyn Moreno, madalas niyang mapagalitan ang anak dahil lagi nitong iniuuwi na malinis ang tasang pinaglalagyan nila ng pagkain sa paaralan. Ang pumasok agad sa kaniyang isip ay hindi kumakain ng wasto ang kaniyang anak at ibinibili ng kung anu-ano ang sampung pisong baon kada-araw na dapat sana ay para sa sabaw na inihahain sa kanilang kantina. 

Isang araw ay kinausap niya ito at doon niya napag-alaman na hindi pala ito kumakain at iniipon ang baon para makapagpagamot na siya ng kaniyang mata. 



Mayroong kapansanan ang isang mata ng bata at dahil dito ay madalas siyang tuksuhin ng kapwa mag-aaral. Sa kabila nito ay pinagbubuti niya parin ang pag-aaral dahil nais niyang mabilhan ng sasakyan ang kaniyang ama kapag nakahanap siya ng maayos na trabaho. 

Ganoon pa man, may mga pagkakataon na pinanghihinaan siya ng loob at napapaisip kung mayroon nga bang tatanggap sa kaniya sa trabaho gayong mayroon siyang kapansanan. Kaya naman minabuti niyang magsimula ng mag-ipon sa pagbabakasakaling makakatulong ito upang maipatingin kaagad ang kaniyang mga mata sa ekspero. 

Matapos nga ang pag-uusap ng mag-ina ay maluha-luha si Crisalyn dahil pinagalitan niya agad ang anak nang hindi inaalam ang dahilan nito kung bakit hindi siya kumakain sa paaralan. 

Samantala, maraming netizens naman ang nahabag sa kalagayan ng bata at isa-isa silang nagpaabot ng tulong upang maipasuri kaagad ang kalagayan nito. 

Tunay ngang hindi wasto ang panghuhusga kaagad sa ating kapwa ng hindi natin nalalaman ang kanilang dahilan kung bakit nila nagagawa ang isang bagay.

+ There are no comments

Add yours