Isang Motorista, Nagmabuting Loob at Namigay ng Libreng Sakay sa mga Estudyanteng Nahihirapan Makasakay!





Ang mabigat na daloy ng trapiko at kakulangan sa maayos na mga pampublikong sasakyan ay dalawa lamang sa mga problema ng ating bansa na hindi pa rin lubusang naso-solusyunan ng gobyerno. 

Ramdam na ramdam ito lalo na sa mga siyudad kung saan marami ang mga taong namamasahe araw-araw upang makapasok sa kani-kanilang trabaho at paaralan. Ang mga tren ay malaking tulong sa mga pasahero dahil mas mura nang di hamak ang pamasahe rito at mas mabilis pa silang nakakarating sa kanilang dapat patunguhan, ngunit nitong nakaraan lamang ay nagkaroon ng sunog sa isang parte ng riles ng mga tren ng LRT 2 sa Maynila dahilan upang ipatigil muna ang mga byahe sa ilang istasyon nito.


Dahil sa insidenteng ito, marami sa mga pasahero ang nahirapan sa paghahanap ng masasakyan sapagkat naging punuan at agawan na sa mga pampasaherong sasakyan dahil sa biglaang dagsa ng mga tao. Itinatayang 200,000 katao ang sumasakay at bumabyahe sa linya ng tren na ito, na mula sa istasyon ng Recto hanggang Santolan, kaya ganito rin karami ang mga taong apektado ngayon sa tigil operasyon na ito na hindi pa masabi kung hanggang kailan tatagal.



Sa gitna ng kaguluhang ito, may isang taong nagmagandang loob para sa mga pasaherong apektado at hirap makapunta sa kanilang paroroonan.


Si Mike Vinuya, ang netizen na tila ipinadala ng langit para sa mga nahirapang humanap ng masasakyan pauwi, ay nag-alok ng libreng sakay sa mga estudyanteng patungo sa Cubao gamit ang kanyang kulay kahel na motorsiklo.




Isa sa mga estudyanteng nasakay niya ang nag-post tungkol sa kabutihang asal na nagawa nito at ang pangyayaring ito ay umani ng papuri mula sa mga taong nakabasa nito, lalo pa’t hindi siya humingi ni-isang sentimo bilang kabayaran mula sa mga natulungan niya nang araw na iyon. 


Sa katunayan, ang tanging hiningi nitong kapalit ay dasal para sa anak nitong nasa ospital, bagay na buong pusong ipinagkaloob naman ng mga ito. Nakabuti rin ang pagkalat ng kwentong ito ni Mike dahil maraming tao ang napahanga sa kanya at nagsabing sila rin mismo ay magdarasal para sa mabilis na paggaling ng anak nito.

Panahon man ng krisis at trahedya, o kaya’y normal na araw lamang, nawa’y mas rumami ang mga tao, tulad ni Mike, ang hindi mag-atubiling mag-abot ng tulong kahit pa walang kapalit dahil ang kahit anong tulong–gaano man kaliit, ay siguradong maibabalik nang higit pang mas malaki sa taong nagbigay nito. 

+ There are no comments

Add yours