Kinumpiska at Winasak ang Isang Videoke Machine ng Ilang Barangay Officials sa Antipolo Dahil sa Paglabag sa 10pm Cut off Time
Talaga namang nakaugalian na ng mga Pinoy na mag-renta ng Videoke sa tuwing mayroong okasyon o handaan sa kanilang tahanan. Naging libangan ito ng mga Pilipino kung saan nakakadagdag saya ito sa tuwing may salo-salo kasama ang mga kaibigan at kapamilya.
Subalit dahil nakakabulabog rin ito lalo na sa gabi sa mga residential areas, ang ilang mga bayan at siyudad ay nagkakaroon ng regulasyon sa oras ng paggamit ng Videoke.
Tulad na lamang sa Antipolo City Rizal sa Barangay Mambugan, mahigpit na ipinapatupad na hanggang 10pm lamang ang paggamit ng Videoke anumang araw o okasyon upang hindi makabulabog ng ilang mga kapitbahay.
Kamakailan, nag-trending ang post ng Barangay Mambugan dahil sa pagwasak nila umano ng isang videoke machine. Istriktong ipinapatupad ng mga ilang opisyales ang 10pm cut off time sa pagkanta ng Videoke. Subalit ayon sakanila, marami pa ring mga pasaway na lumalabag dito kung saan pinapaabot ng ilan ang paggamit ng Videoke lagpas sa cut off time na alas-dyis ng gabi.
Maging ang ilang mga owner at nagpaparenta ng Videoke Machine ay lumalabag sa kasunduan na ito.
Ayon sa mga opisyales, nakakailang ulit na sila sa pagpapahintulot sa paggamit ng Videoke ng hanggang hating gabi subalit may ilan pa rin na pasaway at ayaw sumunod. Kaya naman upang tumatak sa ilang mga residente, kinumpiska nila ang isang Videoke Machine at sinira ito gamit ang martilyo.
Upang hindi raw sila mapagbintangan ng ilang residente na baka pag-interesan nila ito at hindi na itambak pa sa baranagay hall, sinira nila ito para narin mapagbigay alam sa mga residente ang istriktong pahintulot na ito.
“Tatlong beses mahigit pinuntahan po yan sa sobrang ingay, nag-cause yan ng gulo sa sitio kaya kinumpiska at wala pong balak itambak yan sa barangay namin dahil baka mapagsabihan pa na pinag-iinteresan, salamat po,” Ito ang caption ng admin ng Facebook page ng Barangay.
Dahil sa kanilang post, marami namang mga netizen ang nagkomento tungkol dito at umalma na hindi naman raw dapat na sirain pa nila ito at ipost pa sa Social Media. Ang ilan naman ay sinasabi na dapat raw ay minumultahan na lamang nila ang mga lumalabag sa cut-off time sa paggamit ng Videoke.
Dinidiin ng mga opisyales ng Barangay na malinaw at istrikto ang kanilang patakaraan kaya naman mainam na sumunod na lamang upang hindi rin napeperwisyo ang ilang mga residente at kapitbahay lalo na kung mayroong pasok kinabukasan.
+ There are no comments
Add yours